ESTACION DE GUIGUINTO
Pagkatapus ng di kakaunting pahirap na ginawa sa lima kataong ito, ay pinagbabaril at ang kanilang mga bangkay ay patagong ipinabaon sa libingan ng bayan.
Ang inasal na ito sa lima katao ng walang anomang paglilitis, ay ikinabalisa ng mga taga-Giginto at ipinag-isip ng paghihiganti.
Noon din ay kumilos ang magpinsang Paulino at Agapito Garcia, kapwa naninirahan sa nayong Tabang, Giginto, at pinatay ang dalawang kawal na kasadores na malimit nagsisilabas sa kanilang himpilan at nangloloob sa bahay-bahay, na matapus pagpapadapain ang lahat ng maratnang tao sa loob, ay hinihingi ang susi ng mga kaban at baul. Upang maitago ang katampalasanang ito sa mata ng mga kastila at maka-kastila sa bayan, ang mga bakas at bahid ng dugo ng dalawang pinatay, ay pinagsasabuyan ng alikabok ng mga babaing natitira sa kalapit na bahay, na pinangyarihan ng pagpatay na nasa may bungad lamang ng nayon, mula sa bungad na ito hanggang sa pook ng Pinyahan na pinaglibingan sa dalawa.
Pagkaalam, kinabukasan, ng mga pinunong kasadores at sarhento sa himpilan ng Giginto sa pagkawala ng dalawang kawal, kapagkaraka’y ipinag-utos sa mga kawal ang pagsisiyasat sa lahat ng bahay-bahay sa kabayanan, at sapagkat hindi makakita ng anomang bakas na sukat ikakilala sa naturang pagkamatay ng dalawang kasama, sa malaking pagkapoot ng punong kasadores sa lahat ng taong-bayan, ay nag-utos ng ibang paraan ng pagsisiyasat. Kinabukasan noon, at nang kasalukuyarg nagmimisa, na sanhi ng ipinagkatipon ng maraming tao sa simbahan, — sapagkat sa Pilipinas nang kasalukuyang nangyayari ang panghihimagsik, ay lalung napagkilala sa taong bayan ang banal na pag-ibig sa Diyos nang higit sa alin mang panahon ng kapayapaan — ang ginawa ng nasabing pinunong kastila, ay ipinag-utos sa kanyang mga kawal na bantayan ang mga pinto ng simbahan at huwag tulutang may isa mang lumabas na tao, man tapus ang misa, hangga’t walang sinomang nagsasabi ng totoo sa pagkamatay ng dalawang kawal na hinahanap. Dahil sa pasyang ito ay isang matandang babaing nagngangalang Buro ang kusang humarap,
sa pamamag-itan ng kurang Leocadio Sanchez, at nagsabing noong kamakalawa sa gabi, ay nakita niyang nagdaan sa nayon ng Tabang ang dalawang kasadores na patungong kabesera ng lalawigan. Nang masiyahang-loob ang pinuno sa pahayag na ito, at ng maypahinto ang pagpapabantay sa simbahan, ay lumakad na kasama nang lalung maraming kawal na kasadores at nagtungo sa labasan ng nayong Tabang; dito’y pinagdadakip at pinigil ang lahat ng taong masumpungan at makita sa daan, at dahil sa isa man sa mga taong ito’y walang makapagsabing tumpak sa itinatanong bagay sa dalawang kawal na nawawala, ay ipinag-utos sa mga kawal na pagbabarilin noon din ang lahat, utos itong sinunod, kaya sa mga kulangpalad na pinaghuli ay wala isa mang nakaligtas sa biglang kamatayan. Ang dami ng mga bangkay na natimbuwal sa paraan ding yaon, ay may pitong kariton na pawang ipinadala sa kabesera ng lalawigan.
Ang kura Leocadio Sanchez at anim pang prayle at isang doktor na kastila sa himpilan ng tren sa Giginto. Nang kasalukuyang ang magkakasamang ito’y nagsisipaghintay sa pagdaraan ng tren patungong Maynila, ay dinaluhong sila’t sukat nang isang pangkat na taong may mga gulok at sundang at inagawan ng mga riple at rebolber, at sinamsam tuloy pati ng mga armas sa himpilan ng tren. Ang pangkat na lumusob na, sa udyok ng pari Valentin Tanyag, sa Taguig (Maynila) kaya nagsitungo sa himpilan ukol sa gayong bagay, ay binubuo ng nga sumusunod:Inocencio Tolentino, Kapitan; Paulino Garcia, Benito Garcia, kapatid ni Agapitong nabanggit na sa unahan, Angel Valencia, Kabisang Gracio, isang nagngangalang Albino, kapitan; Simon Landayan, Ape Alimango at ilan pa.
Ang lahat ng magkakasamang kastila ay napatay, matangi ang isang prayle, na bagamat nasugatan ng malubha, ay nakuha ring makalulan sa tren, na natatanaw na lamang na dumarating nang sandaling nagsisimula pa lamang ang patayan. Dapat banggitin na nang si Fr. Leocadio Sanchez, ay ulusin sa may dibdib, ng papatay sa kanya, ay agad nakaganti at ang sumaksak ay nabigyang bigla ng isang hataw ng riple na ikinabuwal na halos walang-malay, ngunit siya’y (si prayleng Sanchez)
tumimbumwang din noon na wala nang hininga, at sa gayong paraan natapus ang prayleng yaong, nang nabubuhay pa ay gumawa ng maraming katampalasanan. Tangi sa naiyulat na sa unahan nito, ay napakarami pa ang mga kapanganyayaang nilikha niya na iniluha ng mga pinangyarihang mag-aanak sa Giginto, isa na rito ang angkan ng binatang Cesareo Galawgaw, batsilyer sa Artes, na dahil lamang sa di paghalik ng kamay sa kurang Leocadio, nang maratnan nito sa bahay ng isang magandang dalagang nagngangalang Jacoba, pagkat maging si Galawgaw at maging ang kura’y nangingibig sa dalagang iyon, ay naging sapat na, upang ipabilanggo ang binata, dahil sa dikono’y may pagka-pilibustero na siyang ipinalalagay na tanda ng Katipunan, at sa bilanggua’y tumanggap ng di gagaanong pahirap at pag-alipusta. Idagdag pa rito ang kapahamakan ng mag-amang, kapwa kabesa-de-baranggay, na sila GG. Domingo Jose at Veronico Jose, na nagsilabas sa kaparangan, pagkabalita ng walang patumanggang pagbaril na ginawa sa nayong Tabang. Pagkaalam ng kurang Sanchez sa pagkawala sa loob ng bayan ng mag-ama, ay nagtungo sa kanilang bahay, at matapus takutin ang anak na babae ni Domingo, na siya lamang dinatnan, at nang di makapagsabi ng tunay na kinaroroonan ng kanyang ama’t kapatid, ay sinugod ang murang-murang dalaga, at saka nilugsuhan ng puri na naanakan tuloy ng isa.
May nangyari pang iba’t ibang pagkakapanagpo ng mga kastila’t taung-bayan sa mga bayan-bayan ng Bulakan na halos pawang mahahalaga, dahil sa di pangkaraniwang tapang at kapusukang-loob na ipinamalas ng isa’t isang dako, ngunit mga labanang itong dinaramdam kong di na mapagtatandaan, gaya halimbawa ng nangyari sa Minuyan (Norsagaray), nang di pa lumilipat sa Biyak-na-Bato si G. Emilio Aguinaldo; labanang ikinalitaw tuloy ng salot sa Minuvan, dahil sa mga bangkay ng taong nagkalat na nangaiwan na lamang, noong ang nasabing pook ay lusubin ng mga kastila, sapagkat nalamang kinahihimpilan ng mga naghihimagsik.
Kontribusyon ng mga Guiguinteño sa Kalayaan ng Pilipinas
Pag-aalsa sa Estacion de Guiguinto
Sa loob ng mahigit 300 taong pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, hindi lingid sa mga Pilipino ang naging pagmamalabis ng mga ito sa kapangyarihan. Patunay ang mga itinala ni Heneral Artemio Ricarte sa kanyang “Memoir” kung saan dito niya isinalaysay ang buong katotohanan ng kalapastanganan ng dating ng kura paroko ng Guiguinto na si Fray Leocadio Sanchez.
Nang sumapit ang Biyernes, Mayo 27, 1898, sina Fray Leocadio Sanchez, kasama sina Fray Francisco Giron, Fray Francisco Renedo, Fray Miguel A. Vera, 2 paring hindi pa napapangalanan, isang nagngangalang Pastrana, Gng. P. Olmo, Ginoong Medina at mga anak na babae nila ay nakarating sa Estacion de Guiguinto at doo’y naghintay ng masasakyang tren.
Sumugod ang tinatayang 200 na mga katipunerong Guiguinteño na armado ng mga bolo, rebolder at ripple ng baril at kinumpiska ang lahat ng mga armas ng kastila kabilang ang mga manuskrito at iba pang dokumento. Ang pangkat ng mga Guiguinteño ay sina Kapitan Inocencio Tolentino, Paulino Garcia, Benito Garcia na kapatid ni Agapito na kasama sa 5 pinatay na katipunero sa barrio Tabang, Angel Valencia, Kabesang Gracio, isang nagngangalang Albino na Kapitan rin, Simon Landayan, Ape Alimango at iba pa. hindi na nagawang isara ng mga kastila ang pintuan ng istasyon. Ang lahat ng magkakasamang kastila ay napatay ng mga katipunero ngunit ang isang prayle, pinaniniwalaang si Fray Francisco Giron. Ang nag-iisang prayleng kastila na nakaligtas sa pananambang.
Nang mga oras ng patayan noong gabi ring iyon ng Mayo 27, nang ulusin sa may dibdib si Fray Sanchez ay agad pang nakaganti at nahatawan pa ng ripple ang katipunerong papatay sa kanya. Ngunit ng sandaling iyon ay nalagutan din ng hininga ang prayle.
mula Souvenir Book na ika-85 Taong Anibersayo